Sa kanila, …
Ako ‘yong batang
gusgusin. Nanlilimahid at pinuputakti ng lahat ng klase ng langaw at lamok.
‘Yong amoy ko kasi masahol pa sa – Ano ba ‘yong naamoy mong pinaka sa tanang
buhay mo? Kung anuman ‘yon, ‘yon na ‘yon. Gula-gulanit ang kaisa-isa kong
dyaket na nakapaimbabaw sa obersays kong dating puting-puting t-shirt e
nangingitim na. Bigay lang ‘to ng mamang napadaan dalawang taon na ang
nakalipas. At ‘tong pwetan ng bestida kong kaluma-luma’y tagpi-tagpi. Ako’y walang
pera ni isang kusing. ‘Alang makain. D’yan lang pagala-gala. Walang tiyak na
patutunguhan. A basta, kung anuman ang inabot sa ‘kin ng mga nadadaaanan ko,
kinukuha ko. Salamat sa mga panahong nakakatsamba ako sa mga hilera ng
basurahan ng pamatid-gutom.
Pero para sa kanya, …
Prinsesa raw ako.
Katunayan e, Prinsesa Juana ang tawag n’ya sa ‘kin. Hihihi… Nakakalanggam
naman! Naghihinatay daw sa ‘kin ang napakagarang mansiyon. May malaking kama sa
sarili kong kwarto. ‘Tong bestida kong ‘to, sus papalitan Niya ‘to ng bago na
may di ko maipaliwanag na kakomportablehan. Di raw ako giginawin o
pagpapawisan, sakto lang. Komportable nga e. Di ko aalahanin pang
makagat-kagat—Sandali!. May ngipin ba ang mga lamok at lamok? Este, gan’to, di
na raw ako muling matusok-tusok ng lamok o madidilaan ng langaw. Okey ba? Sila
pa raw ang magiging numero uno kong kaibigan. Di ko na kelangang mangmina ng
trash can. Lahat ng gusto kong kainin o inumin, iproprovayd Niya. Di ko iisipin
ang uhaw at gutom ko pag ka gano’n. Kaya lagi akong relaks at s’yempre
nakangiti.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento